Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi ng mga mambabatas na tanging ang mga European countries at maging ang Estados Unidos ang pinag-iinitan ng ISIS at naniniwala ang mga ito na hindi kasama ang Pilipinas sa kanilang tatargetin.
“It’s far fetch that they (ISIS) will target our country but is pays to be careful and ready,” ani 1-BAP party-list Rep. Silvestre ‘Bebot’ Bello III lalo na’t may mga nakikisimpatiya na ISIS na nakabase sa Middle East sa Mindanao.
Ganito rin ang paniniwala ni Laguna Rep. Benjamin Agarao subalit hindi aniya dapat maging kampante ang gobyerno at maging ang mga mamamayan lalo na’t desperado na ang ISIS dahil ang mga sibilyan na ang kanilang target at hindi ang mga gobyerno na armado.
“Malayo tayo sa kanilang radar pero dapat pa rin nating palakasin ang internal security baka tayo masingitan. Dapat ding huwag maging kampante ang ating mga intelligence,” ani Agarao.
Sa panig naman ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, ito aniya ang panahon na makipagtulungan ang mamamayan sa gobyerno upang hindi makaporma ang mga terorista sa ating bansa.
“Dapat ang sambayanan ang maging intelligence network ng gobyerno laban sa mga terorista. People power vs terrorist,” mungkahi ni Evardone.
Ipinagtanggol naman ni Quezon City Rep. Kit Belmonte ang dobleng higpit sa security na ipinapatupad ng mga awtoridad sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit kasunod ng terrorist attack sa Paris, France.
“Mabuti na ang sigurado kaya dapat expect the worst ang gobyerno natin lalo na ngayong APEC. Lahat ng mata ng mundo ay nakatingin sa atin,” ani Belmonte dahil sa responsibilidad natin ang kaligtasan ng mga APEC leader.
SOURCE: (Bernard Taguinod, abante-tonite, Nov. 17, 2015)