Oo, alam kong kailangan natin ng lider na magpapasunod sa atin dahil sa totoo lang, kailangan natin ng disiplina. Kailangan natin ng lider na susugpo sa krimen at malawak na problema ng korupsyon.
Kailangan natin ng lider na susugpo sa droga. Kailangan natin ng lider na mag-aangat sa antas ng ating ekonomiya, pamumuhay at kalagayan natin sa mundo. Dito tayo dapat magsuri.
Huwag tayong padala sa mga one-liner, sa mababangis na pananalita, may mura pa nga, na kung susuriing mabuti, ay wala namang malinaw na hakbang kung paano ito isasagawa.
Kung paano ito isasagawa nang naaayon sa batas. Tandaan: Naaayon sa batas. Hindi uubrang magpadalos-dalos tayo sa mga “hakbang” na ipatutupad nang lihis sa batas.
Dahil ano ba ang patutunguhan natin? Barbarikong pamamahala. Kaya nariyan ang batas, kaya nariyan ang Saligang Batas upang magkaroon ng kaayusan.
Ang maayos na pagpapatupad nito ang susi, hindi ang paglabag dito. Kamakailan, nanawagan ang Human Rights Watch (HRW) na imbestigahan ang extrajudicial killings sa Davao.
Ang HRW ay isang pandaigdigang organisasyon na sumusubaybay sa lagay ng karapatang pantao sa buong daigdig at nangunguna sa kampanya para maalis ang anumang uri ng diskriminasyon at paglabag sa karapatang pantao ng isang indibiduwal o isang grupo dahil lamang sa kaniyang relihiyon, pampulitikang paniniwala, kulay ng balat, lahi o seksuwal na oryentasyon.
Nauna nang binatikos ng Amnesty International (AI) ang vigilante-style ng paghahain ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ng hustisya.
Walang proseso ng batas. Ang tanging proseso ay paghahain ng parusa -- kamatayan karaniwan -- nang walang pagdinig, walang paglilitis. Delikado ito. Delikadong-delikado.
At sino ba ang hinahainan ng “parusa”? Malalaking kriminal ba? Ang mastermind ba? Mga politikong corrupt ba? Hindi. Karaniwang tao, mga mahihina. Mga walang kapangyarihan.
Sabi nga ng kilalang human rights lawyer na si Rene Saguisag, “selective” o may pinipili ang istilo ni Duterte sa paghahain ng hustisya. Naitanong kaya ni Duterte sa sarili kung bakit may ilang tao ang napipilitang maging tulak o kaya ay sumama sa mga sindikato ng mga magnanakaw?
Kung susuriing mabuti, karamihan ng nahuhuli at napapatay ng mga death squad na binuo ni Duterte ay pawang mahihirap, na kaya nakagagawa ng labag sa batas ay dahil kailangan nilang mabuhay. Kailangan natin ng pinunong mahigpit na magpapatupad ng batas, hindi ang lalabag sa batas para sa kunwari’y disiplina. Huwag na tayong bumalik sa sinaunang panahon.
Mula sa Panulat ni: (JEANY LACORTE)